Monday, May 23, 2005

BAKIT “FILIPINONG HUMANIDADES”?

Ang Dahilan ng Pagkatatag ng PROGRAMA LUMBERA
Pananalita sa Paglulunsad ng PROGRAMA LUMBERA
Ni Propesor Bienvenido Lumbrera
11 Abril 2005, Faculty Center


“…At sa panahon ng globalisasyon ng kultura, mahalagang isaisip ng mga mamamayan ng bansang tulad ng Filipinas -- munting bansang sakmal ng kultura ng malalaking bansa – mayroon silang sariling kultura at iyon ay dapat nilang pagyamanin.”

- Bienvenido Lumbera


Napakalawak ng saklaw ng larangan ng Humanidades. Totoong napakaraming kultura ang nabubuhay sa buong mundo. At marahil ay totoo rin na wala itong “nationality.” Ngunit ikinalulungkot kong ito’y itinuturing ng iba na kasangkapan ng kolonyalismong US upang sakupin ang mga kaisipan ng mga edukadong Pilipino. Totoong napakalaki ng impluwensiyang makakanluranin sa pamumuhay nating mga Pilipino lalong lalo na sa edukasyon, siyensiya at teknolohiya. Ngunit wala akong nakikitang masama sa mga bagay na ito. Hindi mo masisisi ang isang tao kung tangkilikin man niya ang mga kaisipang kanluranin dahil karapatan niya naman ito. Ito ang aking pananaw.

Sa kursong Humanities II, marami akong natutunan tungkol sa sining. Totoo ngang dinodomina ng makakanluraning bansa ang larangang ito. Sa isang banda nabibilang ako sa mga tagapagtangkilik. Kadalasan ay pumapangalawa lamang tayo o kung sa ibang termino ay sumusunod sa uso. Ngunit ano ang magagawa natin, e yun ang uso! Kung hindi ka naman susunod ay pagtatawanan ka ng mga tao at ituturing kang paurong sa sibilisasyon.

Sa kabilang banda totoong mayaman ang ating sariling kultura. Sa larangan ng musika halimbawa, maraming mga instrumentong katutubo at musikang etniko ang naitatala at hindi pa naitatala sa ating sariling bayan. Sa Hum II, may napanood kaming dokumentaryo tungkol sa nabanggit at dito ko nalaman kung gaano kakonti ang aking nalalaman sa ating kultura. Nahihiya man ay akin na ring aaminin. Marahil ay dahil hindi ito ang uso. Siyempre hindi ito magiging uso! Hindi namn ito kanluranin. At kung tatanghalin man ito muli tiyak na babaguhin din ang tema at muling mawawala ang orihinal na anyo.

Marami tayong magagaling na artista. Marami na akong nakitang mga gawang sining na talaga namang maipagmamalaki natin pati sa ibang mga bansa. Pero tiyak hindi ito nagugustuhan ng maraming tao. Bakit? Hindi ko rin masasabi. Kanya kanya tayo ng taste, yan lang ang sasabihin nila. Hayaan na lang natin na ang mga dahuyan ang magbigay puri sa mga likhang itinatakwil natin!

Sa pagsulong ng programang Lumbera, bagong pag-asa sa kulturang Pilipino ang muling mabubuhay. Ito ay isang mabuting paraan upang mapagtagpo ang sining at ang lipunan. At sa pagkakataong ito ay mabigyan ng isa pang pagkakataon ang ating kultura na mabuhay sa mata ng Pilipino. Sa panahon ng globalisasyon ng mga kultura, higit na kritikal ang hakbanging ito. Marahil ay hindi natin madaling makikita ang kahalagahan ng mga bagay na ito hanggang sa panahong kakailanganan natin. Hindi man natin nabibigyang pansin, an gating kultura ang nagsisilbing piping saksi sa ating tunay na identidad bilang isang lipunan. Isa itong tanda at paalala sa buong mundo na may isang liping Pilipino.