Monday, May 23, 2005

BAKIT “FILIPINONG HUMANIDADES”?

Ang Dahilan ng Pagkatatag ng PROGRAMA LUMBERA
Pananalita sa Paglulunsad ng PROGRAMA LUMBERA
Ni Propesor Bienvenido Lumbrera
11 Abril 2005, Faculty Center


“…At sa panahon ng globalisasyon ng kultura, mahalagang isaisip ng mga mamamayan ng bansang tulad ng Filipinas -- munting bansang sakmal ng kultura ng malalaking bansa – mayroon silang sariling kultura at iyon ay dapat nilang pagyamanin.”

- Bienvenido Lumbera


Napakalawak ng saklaw ng larangan ng Humanidades. Totoong napakaraming kultura ang nabubuhay sa buong mundo. At marahil ay totoo rin na wala itong “nationality.” Ngunit ikinalulungkot kong ito’y itinuturing ng iba na kasangkapan ng kolonyalismong US upang sakupin ang mga kaisipan ng mga edukadong Pilipino. Totoong napakalaki ng impluwensiyang makakanluranin sa pamumuhay nating mga Pilipino lalong lalo na sa edukasyon, siyensiya at teknolohiya. Ngunit wala akong nakikitang masama sa mga bagay na ito. Hindi mo masisisi ang isang tao kung tangkilikin man niya ang mga kaisipang kanluranin dahil karapatan niya naman ito. Ito ang aking pananaw.

Sa kursong Humanities II, marami akong natutunan tungkol sa sining. Totoo ngang dinodomina ng makakanluraning bansa ang larangang ito. Sa isang banda nabibilang ako sa mga tagapagtangkilik. Kadalasan ay pumapangalawa lamang tayo o kung sa ibang termino ay sumusunod sa uso. Ngunit ano ang magagawa natin, e yun ang uso! Kung hindi ka naman susunod ay pagtatawanan ka ng mga tao at ituturing kang paurong sa sibilisasyon.

Sa kabilang banda totoong mayaman ang ating sariling kultura. Sa larangan ng musika halimbawa, maraming mga instrumentong katutubo at musikang etniko ang naitatala at hindi pa naitatala sa ating sariling bayan. Sa Hum II, may napanood kaming dokumentaryo tungkol sa nabanggit at dito ko nalaman kung gaano kakonti ang aking nalalaman sa ating kultura. Nahihiya man ay akin na ring aaminin. Marahil ay dahil hindi ito ang uso. Siyempre hindi ito magiging uso! Hindi namn ito kanluranin. At kung tatanghalin man ito muli tiyak na babaguhin din ang tema at muling mawawala ang orihinal na anyo.

Marami tayong magagaling na artista. Marami na akong nakitang mga gawang sining na talaga namang maipagmamalaki natin pati sa ibang mga bansa. Pero tiyak hindi ito nagugustuhan ng maraming tao. Bakit? Hindi ko rin masasabi. Kanya kanya tayo ng taste, yan lang ang sasabihin nila. Hayaan na lang natin na ang mga dahuyan ang magbigay puri sa mga likhang itinatakwil natin!

Sa pagsulong ng programang Lumbera, bagong pag-asa sa kulturang Pilipino ang muling mabubuhay. Ito ay isang mabuting paraan upang mapagtagpo ang sining at ang lipunan. At sa pagkakataong ito ay mabigyan ng isa pang pagkakataon ang ating kultura na mabuhay sa mata ng Pilipino. Sa panahon ng globalisasyon ng mga kultura, higit na kritikal ang hakbanging ito. Marahil ay hindi natin madaling makikita ang kahalagahan ng mga bagay na ito hanggang sa panahong kakailanganan natin. Hindi man natin nabibigyang pansin, an gating kultura ang nagsisilbing piping saksi sa ating tunay na identidad bilang isang lipunan. Isa itong tanda at paalala sa buong mundo na may isang liping Pilipino.

ALING BAYAN?:SINO ANG ANG NAGHIHINTAY SA IYONG HANDOG NA TALINO AT TALENTO?

Pananalita sa Pagtatapos ng Klase 2004 ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, U.P. 24 Abril 2004

“…Sa inyong pagbabasa ng diyaryo, panonood ng TV at pakikinig sa radyo, bawat isa sa inyo ay minumulto na ng Bayang naghihikahos, halos walang tinig sa pamamahala ng ating buhay, at wari'y walang kulturang agad nagpapakilala sa atin bilang nagsasariling bansa. Ito ba ang Bayang paghahandugan mo ng talino at talento?”

- Bienvenido Lumbera

Matindi ang hamon ng Bayan sa mga bagong nagsipagtapos ngayong taon. Ito ang mensahe ni G. Lumbera sa mga bagong gradweyt mula sa KAL noong nakaraang Abril. Totoo ito!

Naghihikahos ang bayan. Nasisiguro kong dama ito ng lahat o kung hindi man ay ng nakararaming Pilipino. Pero bakit naghihikahos pa rin? Ito ang napakalaking tanong na gumuguhit pa rin sa aking isipan. Marami na akong napuntahang commencement exercises. Halos pareha lamang ang mensahe ng mga pangunahing tagapagsalita sa mga magtatapos. Kung hindi man madalas mabanggit ang isang linya sa tula ni Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Noong bata pa lamang ako, itong mga katagang ito ang nagsisilbing inspirasyon ko upang magpunyagi at magaral ng mabuti. Sabi ko sa sa aking sarili, “Hintayin mo ako aking Bayan, ililigtas kita sa pagkalugmok na kinalalagyan mo ngayon!” Pero ngayon, isang taon bago ako magtapos sa aking kolehiyo, hindi ko na sigurado kung magagawa ko pa ang mga pinapangarap ko noong aking kabataan. Hindi naman sa nasisiraan na ako ng loob o nawawalan ng pagasa, lamang nakikinita ko na mahirap ang kinalalagyan natin ngayon. Halos imposible. Napakakomplikado ng sitwasyon. Ang kahirapaan na nadarama ng ating bayan ay hindi ko kakayaning pasanin magisa. Kahit sinong superhero ay hindi basta bastang makasasagip sa ating kalagayan ngayon.

Sa pagbabasa ko ng talumpating ito ay naalala ko tuloy ang Noli Me Tangere ni Rizal. Sabi niya na ang ating lipunan ay may kanser na kailangang gamutin. Totoo ito, sa aking palagay ay lumubha pa ito nang mga nakaraang taon, siguro ay nasa stage 3 na ngayon ang sakit. At sa puntong ito, mas higit na kailangan ang himala. At ang himalang ito ay maaari lamang manggaling sa mga bagong sibol na kaisipan ng mga magtatapos. Yun ay kung hindi sila kakainin ng sistema.

Sakripisyo. Ito ang pinakamalaking hinihingi sa atin ng bayan. At hindi ito madali. Sa panahong walang kasiguruhan katulad ngayon, mabigat at tila mahirap pagbigyan ang daing na ito. Ako mismo man kung tatanungin ay hindi makakasagot kaagad. Kaya naman bayaning maituturing ang mga indibidwal na nakayang harapin at tanggapin ang hamong ito. Iilan lamang sila at kadalasan ay hindi pa nabibigyang pansin, pero gayunpaman may utang tayo sa kanilang kadakilaan. Ang mga ganitong gawa ay nagpapatunay na may pag-asa pa at hindi pa huli ang lahat upang malunasan ang sakit.

Totoong mabilis ang pagdaloy ng panahon. At sa bawat yugto ay magkakaiba ang hinihingi sa atin ng ating Inang Bayan. Noong mga taong 1970’s o ang panahon ng Unang Sigwa dinala ang mga kabataan sa kalye nang may layuning mapalaganap ang ideolohiya ng pambansang demokrasya. Maraming buhay ang nabuwis. Naaalala ko nga ang pelikulang Dekada 70. Pawang mga kabataan ang naging bida sa yugtong ito ng kasaysayan. Bagamat salungat ang kanilang mga magulang sa kanilang mga hakbangin ay hindi sila nag-alinlangan na kumilos alang-alang sa ikabubuti ng Inang Bayan. Tunay itong kahanga hanga. Ang tagumpay na nakamtan nang mapatalsik ang diktadurya ay kasinghalaga ng manaka-nakang pagtatagumpay ng rebolusyon noong kapanahunan ng Katipunan. Mapagpalaya ito sa isang banda, mula sa panunupil at karahasan.

Ngunit kaiba ito sa kalagayan natin ngayon. Mas madaling labanan ang kalaban kung nakikita ito. Ito ang kaibhan ng mga EDSA revolution sa problemang kinakaharap natin ngayon. Sa mga pagkilos na naganap sa EDSA nang mga nakaraang taon ay may tiyak tayong layunin: ang mapatalsik ang kung sino mang pangulong pinaratangan nating tumalikod sa atin. Pero sa kalagayan natin ngayon, mahirap malaman kung sino ang kalaban. Ang pangulo na lamang ba ang sisisihin natin sa ating masamang sinasapit? Sa isang banda ay pwede. Ang pangulo ang siyang tinatayang pinakamakapangyarihan sa sangkapuluan, ngunit tila wala siyang kapangyarihan na protektahan ang mga mamamayan na umaasa sa kanya. Kung gayon, lumalabas na hindi natin kailangan ng isa. Papatalsikin na lang ba nanaman natin siya. Ano naman ang mapapala natin? Napatalsik natin si Pangulong Estrada ngunit ano na ang nangyari pagkatapos. Halos wala rin namang pinagbago. Kung gayon, wala sa pangulo ang kasagutan sa ating mga problema. Pero sa isang banda, sa interes at kapakanan ng bayan, hinihingi na siya dapat ang tumayong lider. At gaya ng mga tungkuling nakaatas sa kanya, dapat niyang siguraduhin ang kapakanan ng kanyang mga mamamayan. Lahat ng kanyang aksiyon ay dapat nakatuon sa ikabubuti ng lahat. Kung gayon ano naman ang ating magagawa bilang mamamayan, mga estudyante at mga magtatapos para lunasan ang kanser ng ating bayan?

Hindi nagtatapos ang ating tungkulin sa pagtanggap ng diploma sapagkat tayo ang mga “Iskolar ng Bayan.” Mabigat ang hamon at tungkuling nakaatang sa atin. Ngunit bago natin harapin ang mas malaking hamon ng lipunan ay tingnan muna natin ang ating mga sarili. Handa nga ba tayong magsakripisyo? May isang pagkakataon nang ako’y bumiyahe sa probinsiya namin. Linggo noon at maraming pasahero. Nagkataong may isang pasaherong bagong sakay. Wala nang upuan noon kung kaya inalok ko ang sa akin at nagpasyang tumayo na lang hanggang sa may mabakante. Nakita ko ang reaksiyon ng ibang mga pasahero. Tila ako’y pinagtatawanan na parang naloko ng isang swindler. Siguro naisip nila “Ang tanga naman ng taong ito!” Marahil ay hindi ito praktikal ngunit palagi na lamang bang ganito ang mangyayari? Sa tuwing gagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa na walang hihinging kapalit ay pagkutya pa ang matatamasa mo? Ganito ba lahat ng mga Pilipino. Kung ganito nga malamang ay mawawalan na rin ako ng gana na magsakripisyo!

Hindi madali ang solusyon sa problema ng ating bayang naghihikahos kung kaya hindi katakataka na ang mga dating nagtapos na minsan din nating tinawag na “pag-asa ng bayan” ay hindi mo na makikita ngayon. Kung hindi man tumalikod sa sriling tungkulin ay nangibang bansa na. Paano mo tutulungan ang mga taong ayaw naman tulungan ang kanilang mga sarili? Yun ang isa pang malaking katanungan. Ngunit sa isang banda hindi nangagahulugan ito na kailangan nating talikuran ang mga taong tumalikod sa atin. MAliki ang bayan at mas marami ang probelma. Kasama ito sa hamon at kasama ito sa sakit ng ating lipunan. Bilang mga edukado at may kakayahang tumugon, ito ang hamon sa atin!